Sunday, June 29, 2008

Sa Aking Pagtanda from Fr. Ariel F. Robles

This message/prayer is from Rev. Fr. Ariel F. Robles. He is a CWL Spiritual Director of St. Augustine Parish in Baliuag Bulacan.

Sa Aking Pagtanda

Sa iyo Anak:

Sa aking pagtanda, unawain mo sana ako at pagpasensyahan. Kapag dala ng kalabuan ng mata ay nakabasag ako ng pinggan o nakatapon ng sabaw sa hapag kainan, huwag mo sana akong kagagalitan. Maramdamin ang isang matanda. Nagse-self pity ako sa tuwing sisigawan mo ako.

Kapag mahina na ang tenaga ko at hindi ko maintindihan ang sinasabi mo, huwag mo naman sana akong sabihan ng “binge.” Pakiulit na lang ang sinasabi mo o pakisulat na lang. Pasensya ka na, anak. Matanda na talaga ako.

Kapag mahina na ang tuhod ko, pagtiyagaan mo sana aking tulungang tumayo, katulad ng pagaalalay ko sa iyo noong nag-aaral ka pa lamang lumakad.

Pagpasensyahan mo sana ako kung ako man ay nagiging makulit at paulit ulit na parang sirang plaka. Basta pakinggan mo na lang ako. Huwag mo sana akong pagtatawanan o pagsasawaang pakinggan. Natatandaan mo anak noong bata ka pa? Kapag gusto mo ng lobo, paulit-ulit mo yong sasabihin. Maghapong kang mangungulit hanggat’ hindi mo nakukuha ang gusto mo. Pinagtyagaan ko ang kakulitan mo.

Pagpasensyahan mo na rin sana ang aking amoy. Amoy matanda, amoy lupa. Huwag mo na sana akong piliting maligo. Mahina na ang katawan ko, madaling magkasakit kapag nalalamigan. Huwag mo sana akong pandirihan. Natatandaan mo noong bata ka pa? Pinagtyatyagaan kitang habulin sa ilalim ng kama kapag ayaw mong maligo.

Pagpasensyahan mo sana kung madalas akoy’s nagiging masungit, dala na marahil ito ng katandaan. Pagtanda mo, maiintindihan mo rin.

Kapag may konti kang panahon, magkwentuhan naman tayo, kahit sandali lang. Inip na ako sa bahay, maghapong nag-iisa. Walang kausap. Alam kong busy ka sa trabaho, subalit nais kong malaman mo na sabik na sabik akong makakwentuhan ka, kahit alam kong hindi ka interesado sa mga kwento ko. Natatandaan mo anak noong bata ka pa? Pinagtyagaan ko ang pautal-utal mong kwento tungkol sa iyong laruan.

At kapag dumating na ang sandali na ako’y magkasakit at maratay sa banig ng karamdaman, huwag mo sana akong pagsawaang alagaan. Pagpasensyahan, mo na sana ako kung ako man ay maihi o madumi sa higaan. Pagtyagaan mo sana akong alagaan sa mga huling sandali ng aking buhay. Tutal hindi na naman ako magtatagal.

Kapag dumating na ang sandali ng aking pagpanaw, hawakan mo sana ang aking kamay at bigyan mo ako ng lakas ng loob na harapin ang kamatayan.

At huwag kang mag-alala, kapag kaharap ko na ang Diyos na lumikha, ibubulong ko sa kanya na pagpalain ka sana… dahil mapagmahal ka sa iyong ama’t ina. Amen

4 comments:

Anonymous said...

While I am reading this article, I am really touch...I remember my parents who are far away from me. I may have visit them soon. It's a very nice awakening to children who seem to forget their parents sacrifice for them...

Anonymous said...

naiyak ako sa mensahe ng tulang ito. i am also a poem writer and i am really touch with every single line of this poem. ito'y magandang pagpapaalala sa lahat para sa ating mga magulang,sa ating mag lolo at lola.maging mapagpasensya sa knila sa lahat ng pagkakataon.upang sa atin di'y maipamalas ng ating magiging mga anak ang pang unawa at pagmamahal,hindi maglalaon.....

sherylsumo said...

naiyak ako sa mensahe ng tulang ito.i am also a poem writer and i am really touch with every single line of this poem.ito'y isang magandang pagpapaalala sa lahat para sa ating mga magulang, mga lolo at lola. maging mapagpasensya sa knila sa lahat ng pagkakataon.upang sa atin di'y maipamalas ng ating magiging mga anak ang pang unawa at pagmamahal, hindi maglalaon.....

carl paul ramirez said...

ito ay isang magandang paalala sa lahat na pakamahalin natin at alagaan ng husto ang ating mga lolo't lola at mga nakakatanda,dahil sila ang naghubog at nagpalaki sa atin bilang kanilang mga anak.ibalik natin ang pagmamahal na ibinigay nila sa atin nung tayo ay musmos pa lang.ang mga alaala natin sa kanila ay mananatili.ang Diyos ay mapagmahal.